Isa si Rosevelyn Gomez, Bookkeeper ng Diamante Multi-purpose and Transport Service Cooperative, sa mga naging kalahok ng isinagawang Labor Law Seminar ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) noong ika-18 ng Hulyo 2024 sa Silang, Cavite sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE) – Workers’ Welfare and Protection Cluster.

Sa isang panayam, ipinahayag ni Gomez kung paano nakatulong ang naturang seminar sa mga katulad nilang hindi sapat ang kaalaman hinggil sa iba’t ibang batas at alituntunin na may kinalaman sa mga manggagawang Pilipino.

Ayon kay Gomez, malaking bagay ang seminar na hatid ng OTC at DOLE upang maunawaan ng kanilang mga miyembro ang kanilang mahalagang tungkulin at mamulat ang mga ito sa mga karapatan na dapat isaalang-alang ng mga pamunuan at namamahala sa kanilang kooperatiba.

“Nagkaroon po ako ng malawak na kaalaman regarding sa employees compensation, sa safety, at health na kailangan po naming ipatupad sa aming mga miyembro at sa aming kooperatiba. Nalaman ko rin po na mayroon pong mga programa ang gobyerno na p’wede po naming ibahagi sa amin pong mga driver at konduktor,” pahayag ni Gomez.

“Dapat patuloy pong magkaroon ng mga ganitong klase ng programa para patuloy na ma-disseminate ang mga ganitong aral para sa mga kooperatiba na lalo pang magpapalakas sa kanilang mga operasyon. Natutuwa po ako kasi nagkakaroon ng mga kaalaman ang mga kooperatiba katulad ng mga dati naming hindi alam na benepisyo para sa mga empleyado at miyembro ng kooperatiba, ngayon po ay nalalaman na po namin sa pamamagitan po ng mga ganitong programa na binibigay ng OTC,” pagdidiin pa niya.