


𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍: Sa pagpapatuloy ng serye ng iba’t ibang uri ng seminar sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP), magkasunod na isinagawa ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) sa tulong ng mga sangay na ahensya o tanggapan sa ilalim ng Department of Labor and Employment – Workers’ Welfare and Protection Cluster (DOLE-WWPC) ang Labor Law Seminar para sa iba’t ibang transport cooperatives na ginanap noong ika-16 ng Hulyo 2024 sa Lipa City, Batangas at noong ika-18 ng Hulyo 2024 sa Silang, Cavite noong ika-16 at ika-18 ng Hulyo 2024.
Kapwa naging sentro ng talakayan sa dalawang magkahiwalay na seminar ang mga karapatan at batas na mayroong kaugnayan sa kaligtasan, kalusugan, seguridad, sahod at ilang benepisyo ng mga manggagawang Pilipino, partikular na sa hanay ng mga manggagawa sa loob ng isang transport cooperative. Sa katunayan, binigyang-diin ng mga panauhing taga-pagsalita o kinatawan ng DOLE ang mga pangunahing panuntunan na kailangang isaalang-alang sa usaping paggawa, gayundin ang Occupational Safety and Health Standards, Family Welfare Benefits, at iba pang benepisyo na sakop ng Employees Compensation Program.
Naging bahagi din sa programa ang pagbibigay linaw at sagot sa ilang katanungan ng mga lumahok sa seminar tulad ng kahalagahan ng pagsunod sa mga batas sa paggawa upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga miyembro at namumuno ng transport cooperative, kabilang na ang potensyal na magiging kakulangan sa pamamahala ng mga manggagawa nito.
Sa kabuuan, umabot sa 95 opisyal at miyembro mula sa 33 transport cooperatives ang lumahok sa seminar na ginanap sa Lipa City, Batangas, habang 90 opisyal at miyembro ng 28 transport cooperatives naman ang dumalo sa kaparehong programa sa Silang, Cavite.