


𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍: Bilang mahalagang uri ng mga pagsasanay at aktibidad pang-edukasyon sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP), muling pinangasiwaan ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), sa tulong ng Department of Labor and Employment – Workers’ Welfare and Protection Cluster (DOLE-WWPC), ang Labor Law Seminar na ginanap noong ika-19 ng Setyembre 2024 sa Iloilo City at dinaluhan ng 82 mga opisyal at kasapi na kumakatawan sa 28 transport cooperatives sa iba’t ibang lugar sa Region VI.
Sa isang maikling mensahe, ipinarating ni OTC PTMP Project Implementing Unit (PIU) Management Team Leader at Planning and Evaluation Division (PED) Chief Jomar S. Dans ang layunin ng isinagawang seminar at ang iba pang mga hakbang o plano sa hinaharap na babalangkasin ng Ahensya katuwang ang DOLE-WWPC para sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga transport cooperative hinggil sa mga batas at alituntunin sa paggawa.
Kabilang sa mga koponan ng mga taga-pagsalita mula sa DOLE sina Ginoong Kenneth Bereber ng RTWPB (Region VI), Ginang Junifer Masote, Engr. Jessel Valad-on at Atty. Divine Grace Gabunas ng DOLE – NLRC Region VI. Malinaw at masiglang tinalakay ng mga nabanggit na kinatawan ng DOLE ang kaukulang sahod at iba pang benepisyo na nararapat matanggap ng isang empleyado sa ilalim ng Employees Compensation Program at iba pang mga pangkalahatang pamantayan sa paggawa. Masusi ring naging bahagi sa mga talakayan ang mga saligan para sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho. Binigyang-pansin din ang pagbabahagi ng mga batas at angkop na proseso sa tamang pagtanggal o pagwawakas ng kontrata ng isang empleyado.
Bilang mahalagang bahagi ng seminar, binigyan naman ng pagkakataon ng OTC at DOLE ang mga kalahok na magtanong tungkol sa mga nasabing paksa.