


𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍: Bilang bahagi ng mga plano patungkol sa implementasyon ng mga aktibidad sa pagbubuo at pagtataguyod ng mga kapasidad ng mga transport cooperative para sa maayos na transisyon sa Public Transport Modernization Program (PTMP), ipinagpatuloy ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), sa tulong ng University of the Philippines – National Center for Transportation Studies Foundation, Inc. (UP-NCTSFI), ang pagsasagawa ng Basic Fleet Management System (FMS) Seminar sa Sta. Cruz, Maynila noong ika-06 hanggang ika-07 ng Setyembre 2024.
Sa ikatlong serye na ito, nagpaunlak ng panimulang mensahe si OTC PTMP Project Implementing Unit (PIU) Management Team Leader at Planning and Evaluation Division (PED) Chief Jomar S. Dans kung saan inihayag niya ang mainit na pagtanggap na may pasasalamat sa mga 88 kalahok na kumakatawan sa 22 transport cooperatives na nakabase sa NCR, Regions III, IV-A, at V. Hiniling niya ang kanilang aktibong pakikinig at partisipasyon sa dalawang araw na pagtatalakay sa mga mahahalagang modules na nakahanda para sa pagsasanay na ito.
Sa unang araw ng pagsasanay, kabilang sa mga inilahad at naging talakayin ng mga taga-pagsalita ng UP-NCTSFI ang ilang mga paksa at sangkap sa seminar na ito tulad ng “Introduction to Fleet Management”, “Regulatory Compliance Safety”, “Vehicle Maintenance Management”, at maging ang “Fuel Management”. Sa ikalawang araw naman, ipinagpatuloy ang talakayan kung saan naging sentro ng mga usapan ang “Driver Management and Safety”, “Human Resource Management” at “Introduction to “Fleet Dispatch Management System”. Bukod sa mga presentasyon at talakayan sa mga nabanggit na mga paksa, nagkaroon din ng iba’t ibang workshop exercises upang tiyakin at sukatin ang partisipasyon ng mga kalahok at antas ng kanilang natutuhan sa nasabing seminar.
Layunin ng BFMSS na mabigyan ng instrumento o armas ang mga namumuno at namamahala ng mga transport cooperative na magagamit nila sa kanilang operasyon pang-transportasyon at sa pagtugon sa mga pangangailangan ng PTMP.