


𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍: Sa ikalawang araw ng Basic Fleet Management System (FMS) Seminar nitong ika-14 ng Setyembre 2024 sa Maynila, naging bisita si Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Jesus Ferdinand D. Ortega upang muling magbigay ng mensahe at inspirasyon sa mga kinatawan ng 23 transport cooperatives na lumahok sa nabanggit na pagsasanay. Sa kabila ng kaniyang mga abalang iskedyul, nakapaglaan pa rin si Usec. Ortega ng oras para ipakita at ipadama ang kaniyang suporta at adhikain para sa mga transport cooperative.
Ayon kay Usec. Ortega, mahalagang mapabilang sa mga unang hakbang ng mga transport cooperative ang pagpapatupad ng Fleet Management System partikular na ang pagsasaayos ng pamamahala sa kooperatiba at ang pagpapanatiling nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga pampublikong sasakyan. Ito ay upang tiyak na makamit ang layunin ng pamahalaan na mapaghusay ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
“Itong fleet management ay napaka-importante dahil kailangan maayos ang ating mga sasakyan at maayos ang paggamit natin sa mga sasakyan para ‘yung ating (mga pasahero) mga sasakay sa kalye ay mayroong masasakyan,” pahayag ni Usec. Ortega.
“Kailangan nating salubungin at ayusin para ‘yung susunod na papalit sa inyo sa kooperatiba, sa pederasyon, sa pagiging driver, operator, or whatever ay maayos ‘yung kaniyang tatahakin dahil kinumpuni na ninyo ito habang maaga. ‘yon po ang kailangan ng programang ito. Tulad ng sasakyan ninyo, kailangan ayusin ang programa, ayusin ang kooperatiba, ayusin ang mga tao para tuloy-tuloy ang pasada ng modernisasyon. Iyon po ang kailangan nating gawin and we will do it together,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, ipinagpatuloy ng mga kinatawan ng University of the Philippines National Center for Transportation Studies Foundation, Inc. (UP-NCTSFI) ang paglalatag ng iba’t ibang impormasyon hinggil sa pagpapatupad ng FMS ng mga transport cooperative. Ilan sa mga ito ay ang mahahalagang paksa tungkol sa “Vehicle Maintenance Management” at “Fuel Management” kung saan kapwa tinalakay ang angkop na pamamaraan sa pagkumpuni sa mga pampublikong sasakyan at ang estratehiya upang mabantayan ang konsumo ng mga ito sa produktong petrolyo. Bukod dito, ipinaliwanag din sa naturang seminar ang “Driver Management and Safety”, “Basic Human Resource Management” at “Fleet Dispatch Management”. Binigyan-diin din sa mga paksang nabanggit ang mga pamamaraan ng pamamahala ng mga sasakyan at mga empleyado sa operasyon kabilang ang mga estratehiya at instrumentong maaaring gamitin upang masubaybayan sila nang mas epektibo.
Naging interaktibo ang bawat sesyon sa kabuuan ng dalawang araw ng FMS seminar, kabilang ang mga workshop exercises para sa pagtatatag ng fleet management implementation plan ng mga kooperatiba.