


๐๐๐๐๐๐๐: Sa pagsisikap na makapagbigay ng iba’t ibang uri ng mga pagsasanay bilang agapay sa mga transport cooperative na lumahok at nagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), muling nagsagawa ng Basic Fleet Management System (FMS) Seminar ang Office of Transportation Cooperatives (OTC), sa tulong ng University of the Philippines – National Center for Transportation Studies Foundation, Inc. (UP-NCTSFI).
Batay sa 2-araw na pagsasanay, ito ay sinimulan noong ika-13 ng Setyembre 2024 sa Sta. Cruz, Manila at ito ay nilahukan ng humigit kumulang 96 na mga opisyal at taga-pamahala sa 23 transport cooperatives mula sa National Capital Region (NCR), Region 3, Region 4-A, Region 4-B, at Region 5. Bilang pagtanggap sa mga dumalo at sa kanyang panimulang mensahe, binigyang-diin naman ni OTC Executive Director at OIC ng Office of the Chairperson Reymundo D.J. De Guzman, Jr. ang hakbang at mga susunod pang naka-planong mga programa at aktibidad na ginagawa at isasagawa ng OTC upang patuloy ang mga serbisyo at suporta sa mga kooperatiba sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Layunin po naming ma-equip kayo sa mga tamang kaalaman para po magkaroon na tayo ng fleet management sa ating pagtahak sa Public Transport Modernization Program. Iyon pong susunod na araw, inaasahan namin na magiging kapaki-pakinabang sa inyong lahat at lalo na po na ma-realize natin ang benepisyo nito sa inyong mga kooperatiba,” pahayag ni Director at OIC De Guzman.
“May anim na module na tatalakayin (sa seminar) pero ito po ay pambungad lamang. Sa susunod na taon ay may panibago pong serye ng mga pagsasanay ulit kaugnay sa fleet management dahil iyong feedback na natanggap namin mula sa mga nauna ay bitin pa raw. Pinakikinggan namin ang inyong mga pangangailangan kaya po ia-adjust natin ‘yong training para po i-cover ‘yong mga mas malawak na kabuuan ng lahat na mahalaga at kritikal na mga modules para sa fleet management,” dagdag pa niya.
Sa unang araw ng seminar, binigyang-linaw ng mga taga-pagsalita ng UP-NCTSFI ang tunay na kahulugan at kahalagahan ng FMS at ang mga teknikal na bahagi na nasa loob nito na magiging gabay upang mapaghusay ang operasyon ng isang transport cooperative. Kabilang dito ang “Vehicle Tracking”, “Maintenance Management”, at “Reporting Capabilities” na tinalakay ni UP-NCTS EnP. Jerome Ballarta. Gayundin ang mga kaugnay na paksa na tinalakay ni Ginoong Geoel Esguerra tulad ng iba’t ibang alituntunin, batas, at ordinansa ng mga lokal na pamahalaan na nararapat isaalang-alang para sa mas epektibong pagpapatakbo ng operasyon ng isang kooperatiba at pagtugon sa mga responsibilidad nito bilang isang legal na entidad. Bukod sa pagtamo ng mga mahalagang impormasyon, ang mga dumalo sa seminar ay nabigyan din ng pagkakataon na magtanong sa mga taga-pagsalita at sumailalim sa workshop exercises.