

TINGNAN: Libreng ipinaabot ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), katuwang ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at ang Quezon City Government – Health Department, ang ilang programa at serbisyong pangkalusugan para sa mga miyembro at opisyal ng iba’t ibang transport cooperatives sa bansa.
Bilang bahagi ng kabuuang agenda na pagpapalawak ng “Social Security and Health Protection Program (SSHPP) sa sektor ng transport cooperative, isinagawa ng OTC ang PhilHealth Membership Caravan noong ika-28 ng Marso sa Quezon City. Sa kaganapan na ito, ibinahagi at binigyang-diin ng mga kinatawan ng PhilHealth ang mga pangunahing benepisyo na maaaring mapakinabangan ng isang kwalipikadong miyembro nito. Tinalakay din dito ang konsepto at katangian ng “Konsulta Package” kung saan hatid nito ang libreng konsultasyon, screening, diagnostics, at pagbigay ng kaukulang gamot sa mga nagparehistro sa programang ito.
Binigyang-linaw rin ng PhilHealth sa isang diskusyon ang mga detalye ng mga kasalukuyang serbisyo na mas pinaghusay para sa mga miyembro nito. Partikular na ang mas pinalawak na saklaw ng benepisyo na tutugon sa iba’t ibang uri ng karamdaman tulad ng hypertension, respiratory illness, at outpatient care.
Ayon kay OTC Chairperson Reymundo D.J. De Guzman, Jr., mahalagang malaman at lubos na maunawaan ng transport cooperatives ang mga alok na serbisyo ng PhilHealth, higit lalo para sa isang sektor na ang kabuhayan ay umiikot sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa lansangan at pagkakabilad sa mga iba’t ibang uri ng mga panganib sa kapaligiran tulad ng lantarang init, polusyon, pagod at iba pa. Kaya’t hangarin aniya ng Ahensya na sa pamamagitan ng ganitong uri ng programa, mas bukas ang mga agarang tulong at suporta pangkalusugan para matiyak na nasa maayos na kundisyon ang bawat manggagawa ng transport cooperatives.Sa kabuuan, humigit-kumulang 232 miyembro at opisyal mula sa iba’t ibang transport cooperatives sa NCR-Central Sector ang lumahok at naging bahagi ng makabuluhang caravan na ito.