Isa si Raul Cruzada, Vice Chairman ng Northern Panay Transport Cooperative, sa mga nakakuha ng panibagong kaalaman hinggil sa mga batas at alituntunin para sa mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng isinagawang Labor Law Seminar ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) at Department of Labor and Employment (DOLE) – Workers’ Welfare and Protection Cluster noong ika-19 ng Setyembre 2024 sa Iloilo City.

Naging bahagi ng naturang malawakang diskurso si Cruzada kung saan kaniyang ipinahayag ang kahalagahan ng iba’t ibang uri ng mga pagsasanay at aktibidad pang-impormasyon tulad nito upang mapalawak ang kaalaman ng mga namumuno, namamahala, at kasapi ng mga transport cooperative.

“Naging interesado akong sumali sa Labor Law Seminar dahil as a beginner, as part of a transport group, para magkaroon ng additional knowledge kung paano patakbuhin ang isang kooperatiba, kung paano siya gamitin na sasang-ayon sa batas para ang mga miyembro ay maka-avail kung ano ang mga dapat nilang ma-avail. Para manatili rin ang mga kooperatibang existing at para mapatakbo ito nang maayos kaya kailangan ng more knowledge, more seminars, just to continue to serve not only your employees but also those commuters as a transport group kaya kailangan din po ng tao na nand’yan kami, na existing (ang aming kooperatiba) kaya ang mga ganitong seminar, napaka-importante po,” paliwanag ni Cruzada.

Aniya, lubos na makatutulong sa kanilang hanay ang ganitong uri ng seminar upang maipaunawa sa mga manggagawa ng transport cooperatives na mayroon silang karapatan na makatanggap ng benepisyo o kaya’y “compensation” sa oras na tunay at higit na kinakailangan nila ito.

“Magagamit siya (Labor Law Seminar) especially in case of emergency not only for the operators but also for the drivers na malaman na may mga ganito palang compensations na dapat i-apply, (tulad kung) medyo kulang din sa budget or hindi enough ‘yong money, mayroong paraan para ma-avail (ang benefits/compensations) na parang “Oh, may makukuha pala akong ganito” which is dapat mai-orient din sa mga miyembro ng isang kooperatiba,” pahayag ni Cruzada.