


๐๐๐๐๐๐๐: Mga batas-trapiko, tamang asal, at maayos na paraan ng pagmamaneho upang maiwasan ang banggaan/salpukan sa daan ang mga naging tampok na paksa sa dalawang magkasunod na araw na pagsasanay na hatid ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), katuwang ang Land Transportation Office – Philippines (LTO), sa mga tsuper ng iba’t ibang transport cooperatives sa mga lalawigan ng Rehiyon ng CALABARZON at Mindoro.
Sa isinagawang dalawang sesyon ng Drivers’ Training on Road Safety and Ethics (Batch 3 at 4) na ginanap sa Lipa City, Batangas noong ika-14 at ika-15 ng Agosto 2024, naisagawa ni LTO Chief, Batangas City at Road Safety Advocate Derwin Panganiban ang masigla, malinaw, at interaktibong talakayan sa nabanggit na pagsasanay. Sa unang bahagi ng pagtatanghal, binigyang-diin ni Ginoong Panganiban na sa pagmamaneho ng pampublikong sasakyan, ang isang tsuper ay kinakailangang laging handa at maayos sa pisikal, mental, at emosyonal na estado nito bago pumasada upang matiyak ang kaligtasan ng mga komyuter at mabawasan o maiwasan ang sakuna sa daan.
Mahalaga rin aniyang magkaroon ng malawak na kamalayan ang mga tsuper sa wastong pag-uugali at sanayin na dapat nilang ipakita habang nagsisilbi sa kanilang mga pasahero at magkaroon ng kaalaman sa ilang paraan kung paano maaaring alertong tumugon sa mga sitwasyon na nangangailangan ng dagliang aksyon tulad ng diskrasya.
Kaugnay nito, tinalakay rin sa nasabing pagsasanay ang mga batas, regulasyon, at ordinansa ng pamahalaan na dapat isaalang-alang ng mga tsuper sa oras ng kanilang pamamasada. Gayundin ang kanilang karapatan at obligasyon sa oras na sila ay patawan ng multa o parusa sa paglabag sa alinman sa mga ito.
Samantala, binigyang-diin naman ng OTC at LTO sa naturang pagsasanay ang kahalagahan ng papel o gampanin ng mga tsuper sa pagtitiyak na makararating nang maayos, komportable, at ligtas ang mga komyuter bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na mapaghusay ang pampublikong transportasyon sa bansa.