Isa si Ginoong Rafael Reyes, Fleet Manager ng Zaragosa Ramstar Transport Service Cooperative, sa mga nabigyan ng pagkakataon na lumahok sa malalimang diskurso hinggil sa Fleet Management System (FMS) sa pamamagitan ng isang seminar na isinagawa ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), katuwang ang University of the Philippines National Center for Transportation Studies Foundation, Inc. (UP-NCTSFI), noong ika-29 hanggang ika-30 ng Hulyo 2024 sa Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay Ginoong Reyes, malaking tulong sa mga kahalintulad nilang kooperatiba ang dalawang araw na pagsasanay upang mapagtibay at matiyak na mas epektibo ang sistema na kanilang ginagamit sa pagsusuri ng operasyon ng mga modernized PUV. Ilan na nga aniya sa kanilang mga natutuhan ay ang wastong paggamit ng database monitoring at ang pagpapanatili na nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga pampublikong sasakyan para sa kaayusan ng kooperatiba, kaligtasan ng kanilang mga tsuper at higit lalo ang maayos na serbisyo sa kanilang mga pasahero.

“Actually, napakarami (naming naging experience) kasi kailangan po namin ito dahil mayroon na kaming mga unit although mayroon kaming system na ginagamit ngayon, iyong pagdating namin dito is lalong na-enhance, naturuan kami sa mga database. Mayroon kaming mga data kaya lang wala kaming base. Nakita ko, sabi ko, napakaganda nito,” pahayag ni Reyes.

“Pati doon sa vehicle maintenance, nakita ko doon na ‘yung pagsou-source out, paano maka-save, ‘yung lahat ng techniques although mayroon kaming naka-in place ngayon ay lalo pang nae-enhance dahil doon sa mga database, p’wede mong i-monitor, p’wede kang gumawa ng statistics, madali kang magbasa, makikita natin kung paano i-store ‘yung mga fast-moving, palaging nasisira(ng unit), ‘yung expectation mo nito ay papalitan na, ‘yung downtime sana na nangyayari ‘pag wala kang fleet management, dahil sa fleet management training ay naaagapan,” dagdag pa niya.