Isa si Ginang Emilita Pilotos, Chairperson ng Novaliches-Balintawak-Blumentritt (NOBABLUM) Transport Cooperative, sa mga naging kalahok at nakakalap ng karagdagang kaalaman sa unang serye ng Basic Fleet Management System Seminar na hatid ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) katuwang ang University of the Philippines National Center for Transportation Studies Foundation, Inc. (UP-NCTSFI). Ito ay isinagawa noong ika-29 hanggang ika-30 ng Hulyo 2024 sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa isang panayam, ipinahayag ni Gng. PIlotos kung paano makatutulong ang modernong teknolohiya at mga makabagong estratehiya na ibinahagi sa naturang pagsasanay para sa mas epektibong pamamahala ng mga transport cooperative sa kanilang mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay Pilotos, bagama’t ipinapatupad na ang fleet management sa kanilang kooperatiba, hindi pa sapat ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagtukoy ng mga angkop na terminolohiya para sa sistema nito upang masuri nila nang mabuti ang operasyon ng kanilang mga makabagong sasakyan.

“Marami kaming natutuhan. Unang una iyong fleet management, importante iyon kung paano mo ima-manage ang operation. Sumunod iyong fuel efficiency at fuel economy, kung paano mo imo-monitor kung magastos ba sa fuel ang isang unit. So dito (sa seminar) naituro kung ano ang mga solusyon, dito namo-monitor na kung gaano kalaki ang nagagamit na fuel ng bawat unit so nakikita rin namin iyong mga dahilan (kung bakit magastos ang isang unit),” pahayag ni Gomez.

“We are on the third year of operation sa aming modernized units, nagagawa na namin itong na-discuss kaya lang hindi namin ito mai-label properly tulad sa fuel, scheduling, at dispatching. Ginagawa na namin kaya lang mas mae-enhance na kasi nadagdagan kami ng information na ito pala ‘yung mga dapat gawin, nadagdagan kami ng kaalaman dahil sa seminar na ito,” dagdag pa niya.