


๐๐๐๐๐๐๐: Ipinagpatuloy ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), sa tulong ng UP National Center for Transportation Studies (NCTS), ang huling araw ng seminar hinggil sa Fleet Management System (FMS) kahapon, ika-30 ng Hulyo 2024, sa Sta. Cruz, Manila.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng inisyatiba ng Ahensya na mapalawig ang kaalaman ng mga transport cooperative sa tamang pamamahala, pagkukumpuni, at pag-aalaga sa mga pampublikong sasakyan.
Dinaluhan nina Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Jesus Ferdinand D. Ortega at OTC Officer-in-Charge Chairperson Reymundo D.J. De Guzman, Jr. ang unang araw ng seminar para sa iba’t ibang transport cooperatives.
Partikular na tinalakay ng kinatawan ng OTC na si Ms. Maru Jane Tengson ang pangunahing adhikain ng Ahensya sa pagsasagawa ng ganitong uri ng aktibidad sa gitna ng patuloy na pag-unlad ng sektor ng pampublikong transportasyon sa bansa.
Sinundan naman ito ng pagpapaliwanag nina UP NCTS University Extension Specialists Ms. Sheila Flor Javier, Mr. Jerome Ballarta, Engr. Aileen Mappala, at Mr. Geoel Anthony Esguerra sa ilang konsepto na kaugnay sa FMS, gayundin ang mga hakbang na maaaring gawin ng mga transport cooperative upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng kanilang mga pampublikong sasakyan.
Sa kabuuan, umabot sa humigit-kumulang 100 miyembro mula sa 24 transport cooperatives ng National Capital Region (NCR), Region 3, Region 4-A, at Region 4-B ang lumahok sa naturang seminar na hatid ng OTC.