


Kabilang na rito ang Social Support Programs sa pangunguna ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Financial Programs na handog ng Land Bank of the Philippines (LBP) upang matugunan ang pinansyal na pangangailangan ng mga transport cooperative sa pagbili ng modern units.Bukod dito, tinalakay rin ng OTC at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 3 ang pinakahuling datos at sitwasyon ng lalawigan ng Nueva Ecija pagdating sa PTMP.
Batay sa kasalukuyang datos ng OTC, umabot na sa tatlumpu’t walo (38) ang naitalang “accredited” transport service cooperatives (TSCs) sa lalawigan, kung saan apat (4) sa mga ito ang tagumpay nang lumahok sa PTMP at mayroon nang apatnapu’t pitong (47) modern units na pumapasada sa iba’t ibang ruta.
Ayon kay OTC Executive Director II at Officer-in-Charge (OIC) Reymundo D.J. De Guzman, Jr., hindi maikakailang nasa tamang daan ang mga kooperatiba na nakilahok sa PTMP.
“Buhay na patunay ang mga kwento ng kanilang tagumpay kung paano natin yayakapin ang konsepto ng pagiging kooperatiba. Sumunod tayo sa mga panuntunan ng mga ahensya ng pamahalaan at sa suporta at pakikipagtulungan ng ating mga local government unit, kaya pong mapagtagumpayan ito,” pahayag ni OIC De Guzman.
Nanawagan din si OIC De Guzman na maging alerto at maingat sa mga natatanggap na balita hinggil sa PTMP higit lalo sa gitna ng mga naglipanang pekeng impormasyon laban sa mga programa ng pamahalaan.
“Makinig tayo sa mga tamang tao na pakikinggan. Marami pong misinformation at disinformation patungkol sa modernization program. Doon po tayo sa tamang ahensya at tao makinig. Huwag po sa mga sabi-sabi na ating naririnig na hindi naman parte nitong ating proseso,” pagdidiin nito.
Bagama’t maliit na ahensya aniya ang OTC, tiniyak ni OIC De Guzman na nananatili itong handa sa pagbibigay ng karampatang tulong at gabay para sa mga transport cooperative, kasabay ng pagsulong ng pamahalaan sa modernisadong pampublikong transportasyon sa bansa.