OPISYAL NA PAHAYAG

Lubos na iginagalang ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) ang mataas na kapulungan ng Pilipinas at ang sentimyento nito hinggil sa mga hamon na kinakaharap ng hanay ng mga manggagawang Pilipino sa sektor ng pampublikong transportasyon. Katulad ng Senado, kaisa ng pamahalaan ang OTC sa hangarin nitong makabuo ng programa na mapakikinabangan ng publiko habang tinatahak ang daan tungo sa isang bansang progresibo. Gayunpaman, sa halip na pagsusulong ng suspensyon sa programa, naniniwala ang OTC na mas kinakailangang pagtuunan ng pansin ang kolektibo at tulong-tulong na pwersa ng pambatasan (legislative) at pampangasiwaan (executive) na sangay ng ating pamahalaan, kasama rin ang kinatawan ng pribadong sektor (sa  transportasyon at iba pa) upang makapag-balangkas ng iba’t ibang inisyatiba at hakbang na isasagawa pa ng kasalukuyang administrasyon sa pagtugon ng mga kakulangan at sa pagpapahusay ng pagpapatupad sa Public Transport Modernization Program (PTMP).

Sa kasalukuyan, kaliwa’t kanang pampublikong konsultasyon, pag-aalok ng subsidiya, at patuloy na pagsisikap ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang mga kaukulang ahensya nito, ang isinagawa na ng pamahalaan upang matugunan ang mga hinaing ng mga target na benepisyaryo ng programa. Sa katunayan, iba’t ibang Capacity Building Activities at Technical Assistances Services na ang inihatid at patuloy na ipinapaabot ng OTC upang matulungan ang mga transport cooperative na nakiisa sa PTMP. Ilan sa mga ito ay ang Fleet Management System Seminar, Labor Law Seminar, Drivers’ Training on Road Safety and Ethics, Social Security and Health Protection Program, Assess and Assist Activities, Financial Management Assistance, at Compliance Monitoring. Bukod pa rito ang Tsuper Iskolar Program at Entsuperneur Program na kapwa nakatuon sa pamamahagi ng tulong pang-edukasyon, pagsasanay, at kabuhayan ng mga stakeholder ng PTMP. Sa madaling salita, malaking pondo na ang inilaan at mahabang panahon na ang ginugol ng gobyerno at ng mga ordinaryong tsuper at operator para lamang maisakatuparan ang magandang layunin ng programa.

Naniniwala rin ang OTC na mahalagang isaalang-alang ng kabuuan ng pamahalaan ang kapakanan ng mas nakararami higit sa sektor ng transportasyon, subalit dapat ding bigyang-atensyon ang kapakanan ng mga komyuter at ng kapaligiran. Batay sa datos na naitala ng DOTr hanggang noong ika-30 ng Abril 2024 na huling araw ng consolidation, umabot na sa 83.38% o 159,862 mula sa kabuuang 191,730 baseline units ang tagumpay na nakapag-consolidate sa buong bansa, sa kabila ng ilang beses na pagpapalawig ng pamahalaan sa deadline ng consolidation simula noong taong 2017.

Samakatuwid, nasa mayorya na ang yumakap, naniniwala, at sumusuporta sa PTMP at higit sa kalahating porsyento na rin ang maaaring maapektuhan sakaling ipatupad ang panukalang suspensyon ng Programa. Hindi maikakaila na higit na mas malaki ang posibleng maging negatibong epekto ng suspensyon kaysa sa inaakala na tulong nito sa buong sektor. Ang naturang suspensyon ay hudyat lamang ng tuluyang pagpreno ng kabuhayan ng mas nakararaming manggagawa sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Dahil dito, nananawagan ang OTC, sa ngalan ng mga transport cooperative na muling bigyan ng pagkakataon at suporta ng Senado ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng PTMP, kasama ang pag-alalay at gabay nitong pang-teknikal at pang-legal. Tanging pagkakaisa lamang ng pamahalaan at sektor ang epektibong solusyon sa halip na ipatupad ang suspensyon. ###