TINGNAN: Nakipagpulong ang Office of Transportation Cooperatives (OTC) sa National Federation of Transport Cooperatives (NFTC) noong ika-20 ng Mayo 2025 upang pakinggan ang mga mungkahi nito hinggil sa muling pagbubukas ng aplikasyon para sa consolidation.
Bahagi pa rin ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Transportation (DOTr) at mga kaukulang ahensya nito na pakinggan ang mga suhestyon at tugunan ang mga hinaing mula sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Pinangunahan nina OTC Chairperson Reymundo D.J. De Guzman, Jr. at Executive Director II at DOTr Spokesperson Ramon A. Ilagan ang naturang pagpupulong kung saan inilatag ng NFTC ang kanilang hiling na bigyan ng malinaw na palugit o deadline ang aplikasyon para sa consolidation.
Umaasa rin ang pederasyon na masusing pag-aaralan ng pamahalaan ang mga pamantayan sa consolidation upang matiyak na pantay ang pribilehiyo at karapatan ng mga sumuporta at interesadong lumahok sa Public Transport Modernization Program (PTMP).
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Ahensya na mananatili itong bukas sa pakikinig sa mga hinaing at hiling ng publiko. Naniniwala ito na sa pamamagitan ng pag-unawa at agarang aksyon ng pamahalaan sa mga hinaing ng bawat panig ay maiiwasan ang pagkaantala ng serbisyong pang-transportasyon para sa publiko.