OPISYAL NA PAHAYAG
Lubos na iginagalang ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) ang mataas na kapulungan ng Pilipinas at ang sentimyento nito hinggil sa mga hamon na kinakaharap ng hanay ng mga manggagawang Pilipino sa sektor ng pampublikong transportasyon. Katulad ng Senado, kaisa ng pamahalaan ang OTC sa hangarin nitong makabuo ng programa na mapakikinabangan ng publiko habang tinatahak ang daan tungo sa isang bansang progresibo. Gayunpaman, sa halip na pagsusulong ng suspensyon sa programa, naniniwala ang OTC na mas kinakailangang pagtuunan ng pansin ang kolektibo at tulong-tulong na pwersa ng pambatasan (legislative) at pampangasiwaan (executive) na sangay ng ating pamahalaan, kasama rin ang kinatawan ng pribadong sektor (sa transportasyon at iba pa) upang makapag-balangkas ng iba’t ibang inisyatiba at hakbang na isasagawa pa ng kasalukuyang administrasyon sa pagtugon ng mga kakulangan at sa pagpapahusay ng pagpapatupad sa Public Transport Modernization Program (PTMP).