Ipinabatid ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) ang mga nakaambang libreng programa ng pamahalaan bilang malawakang tulong sa mga transport cooperative na nakikiisa sa Public Transport Modernization Program (PTMP).Sa programa na pinasinayaan ng National Anti-Poverty Commission-Cooperatives Sectoral Council (NAPC-CSC) noong ika-28 ng Hunyo 2025 sa Pasig City, tinalakay ng OTC ang iba’t ibang capacity building activities na plano nitong isagawa hanggang sa pagtatapos ng taon. Partikular na ipinaliwanag ni OTC Executive Director II at Department of Transportation (DOTr) Spokesperson Ramon A. Ilagan ang konsepto at kahalagahan ng mga aktibidad na layong hubugin ang kaalaman ng mga transport cooperative sa bansa. Kabilang dito ang pagsasagawa ng seminar at pagsasanay hinggil sa Fleet Management System, Labor Laws, Road Safety & Ethics, Occupational Safety & Health Standards, at Social Security & Health Protection Program.Ikinagalak naman ni NAPC Secretary Lope B. Santos III ang patuloy na ugnayan nila sa OTC para sa mga reporma at mga benepisyo para sa sektor ng kooperatiba sa transportasyon.Binigyang-linaw rin ni OTC Chairperson Reymundo D.J. De Guzman, Jr. ang ilang katanungan at hinaing na dinulog ng mga dumalo sa programa. Tiyak naman aniya na patuloy na sinisikap ng OTC na ipaglaban ang interes ng mga transport cooperative sa bansa.Sa huli, binigyang-diin ng dalawang opisyal ng OTC na nananatili itong bukas sa mga suhestyon mula sa hanay ng mga transport cooperative upang mapaghusay ang mga inisyatiba ng pamahalaan sa gitna ng pag-usad ng PTMP.