Nanumpa ang mga bagong halal na opisyal ng Francisco Homes Transport Cooperative (FHTC) sa harap nina Office of Transportation Cooperatives (OTC) Chairperson Reymundo D.J. De Guzman, Jr. at Executive Director at Department of Transportation (DOTr) Spokesperson Ramon A. Ilagan kahapon sa tanggapan ng OTC.Sa panunumpa ng 11 Opisyal at sa pamumuno ni Chairman Dionisio Labis, nangako ang FHTC na gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin bilang mga opisyal at siniguro na makakapaghatid ito ng ligtas, abot-kaya, mabilis, at mahusay na serbisyo sa pampublikong transportasyon. Ang FHTC, na kasalukuyang nagpapatakbo ng 76 na modern public utility jeepneys (MPUJs), ay isa lamang sa matagumpay na sumusuporta sa pagpapatupad ng PTMP.Binanggit din matapos ang kanilang panunumpa sa maikling pulong ang mga suliranin na siya namang ipinangakong susuriin nina Chairperson De Guzman at ED Ilagan. Kabilang dito ang patuloy na pagsasagawa ng mga angkop na pagsasanay at teknikal na suporta para sa transport cooperatives tulad ng Cooperative Education and Transport Operation Seminar (CETOS), Orientation on Good Governance, at mga seminar tungkol sa transport operations na kinabibilangan ng mga operator, driver, passenger assistance officers (PAOs) at fleet managers.Kasabay ng pagsisilbi bilang tagapagsalita ng DOTr, tiniyak din nina ED Ilagan at Chairman De Guzman sa FHTC na palalakasin ng OTC ang kampanya nito sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon bilang bahagi ng mga hakbangin ng OTC at ng pamahalaan upang maipahayag ang kahalagahan ng Public Transport Modernization Program (PTMP).