Mula sa mga namamahala at lahat ng bumubuo ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), taos puso ang aming pagbati at bukas palad ang aming pagtanggap sa bagong talagang opisyal nito na si Executive Director Ramon A. Ilagan.
Bilang isang bagong miyembro ng pamilya ng OTC at isa sa mga katuwang na namumuno rito, dalangin namin ang inyong dagliang pagyakap sa mga mabuting nilalayon at hangarin ng programang kooperatibang pansasakyan. Batid namin ang inyong malawak na taglay na karanasan at dedikasyon sa pamumuno at pamamalakad, at dahil dito ay malakas ang aming kumpiyansa na gagamitin mo ito upang patuloy na mapalakas at mabigyang-daan ang mga oportunidad sa pang-kaunlaran para sa isa sa mahahalagang bahagi ng pampublikong transportasyon—ang sektor ng kooperatibang pansasakyan.
Lubos kaming naniniwala na madali ninyong matatanggap at kikilalanin na ang sektor nating pinagsisilbihan ay maituturing na mahalagang kaakibat ng ating pamahalaan at kasama natin sa pagtataguyod ng ating mga programa na magbibigay ng bagong anyo ng serbisyo sa ating mga mananakay. Makakaasa kayo na ang buong OTC ay kasama ninyo sa pagtutupad ng inyong bagong tungkulin bilang isa sa mga opisyal nito.
Muli, mula sa OTC at hanay ng mga manggagawa sa sektor ng kooperatibang pansasakyan, malugod na pagbati at pagtanggap sa inyo, ED Ramon Ilagan!