Pangulong Bongbong Marcos, kinatigan ang patuloy na pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP) sa kabila ng panawagang isuspinde ito—OTC
Binigyang-pagkilala at papuri ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) ang naging pahayag kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ukol sa mga panukala at panawagan na pansamantalang isuspinde ang pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
Ayon kay Officer-in-Charge (OIC) Chairperson Reymundo D.J. De Guzman, Jr., ang kagyat at malinaw na desisyon ng Pangulo hinggil sa pagpapatuloy ng implementasyon ng PTMP ay patunay na pinahahalagahan ng kanyang administrasyon ang marangal at seryosong layunin nito na iangat ang kalidad ng serbisyo ng ating pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng programang ito.
Sa kabila ng mga pagbatikos at panawagan na pansamantalang ihinto ito, walang pasubali na nanindigan si Pangulong Marcos Jr. na ipagpatuloy ang programa lalo’t malayo na ang narating nito at malaking bahagi na ng sektor ng transportasyon ang sumuporta sa hinihiling na pagbabagong anyo at uri ng ating pampublikong serbisyo pangsasakyan.
“I disagree with them because sinasabi nila minadali. This has been postponed seven times,” paliwanag Pangulong Marcos, Jr.
“The modernization has been postponed for seven times and those that have been objecting or have been crying out and asking for suspension are in the minority. 80% have already consolidated, so papaano naman if ‘yong 20 percent ang magde-decide ‘yong buhay ng 100 percent. Pakinggan natin ang majority at ang majority sinasabi ituloy natin,” pagdidiin pa nito.
“Sa ngalan po ng mga transport cooperative sa buong bansa, nagpapasalamat po kami sa naging desisyon ng Pangulo ukol sa patuloy na pagpapatupad ng PTMP,” pahayag ni OIC De Guzman. “Naging panatag ang damdamin ng mga kasapi sa sektor ng kooperatibang pansasakyan at pinawi ang mga agam-agam ng mga stakeholders patungkol sa PTMP,” dagdag pa nito.
“Nauunawaan po natin ang pinanggagalingan ng mga sentimyento at obserbasyon ng iba natin mga kasamahan sa sektor at ang pamilya ng Department of Transportation ay tuloy-tuloy na gumagawa ng mga pamamaraan upang mas maging progresibo at epektibo ito. Sa parte ng OTC, mananatili itong kaagapay ng mga namumuno at kasapi ng mga transport cooperatives sa pagtataas at pagtitibay ng kanilang mga kakayahan na mapangasiwaan ang operasyon ng kani-kanilang mga transport cooperatives,” aniya.