Nakikiisa ang Office of Transportation Cooperatives (OTC) sa isang linggong pagbubunyi at patuloy na pagsusulong ng karapatan at kalayaan ng mga Pilipinong mayroong kapansanan, simula ngayong ika-17 hanggang sa ika-23 ng Hulyo 2024.
Alinsunod sa Proklamasyon Blg. 597, serye 2024 na inilathala ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas, idineklara ang nasabing petsa ng taong ito at sa mga susunod pang mga taon bilang “National Disability Rights Week”. Layunin ng pagpapahayag na ito na hikayatin ang lahat ng sangay ng pamahalaan, pati na rin ang pribadong sektor na magbigay ng tulong at suporta sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA) sa pagtukoy ng mga programa, aktibidades at proyekto para sa selebrasyong ito at aktibong makilahok sa mga kaugnay na pagdiriwang. Ito rin ay nagsisilbing bahagi para paigtingin ang pangako at kompromiso ng ating bansa sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities (UNCRPD) para pagtibayin ang pagpapalaganap, proteksyon at tiyakin ganap at pantay na karapatang pantao at kalayaan ng lahat ng mga “persons with disabilities” o PWDs, at itaguyod ang pagrespeto sa kanilang likas na dangal.
Kaugnay sa mga nabanggit, mariing hinihikayat ng OTC ang publiko, partikular ang lahat ng mga transport cooperative sa bansa, na makiisa, tumulong, suportahan at lumahok sa mga aktibidad na inihanda ng DSWD at NCDA upang sama-sama nating makamit ang daan tungo sa mas ingklusibong lipunan. Bigyan daan natin ng katiyakan ang ating mga kababayang mayroong kapansanan na kabilang ang OTC at sektor ng transport cooperative sa mga sumusulong ng pagpapatupad ng mga panuntunan kaugnay sa accessibility ng mga PWDs sa ating public transportation system.