


𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍: Bilang opisyal na kinatawan ng Department of Transportation (DOTr), naging bahagi si Executive Director II at Officer-in-Charge ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) Reymundo D.J. De Guzman, Jr. sa kauna-unahang National Convergence of Transport Cooperative Leaders na ginanap sa Travellers Hotel, Subic Bay Freeport Zone, Olongapo City noong ika-27 hanggang ika-28 ng Hunyo 2024.
Sa pagtalaga ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista at Undersecretary Jesus Ferdinand D. Ortega ng Road Transport and Infrastructure, ibinahagi ni OIC De Guzman ang mensahe ng buong-buong pagsuporta ng DOTr sa hanay ng Transportation Cooperatives sa pagsusulong ng Public Transport Modernization Program (PTMP). Binigyang-diin niya na ang kaganapan na tulad nito ay hindi lamang dapat isang pagtitipon bagkus ay magsilbing ugnayan at pagsasanib ng mga pagsisikap, aksyon, at puwersa ng mga iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa kalidad na pag-unlad ng sektor ng transport cooperatives. Muli rin ipinahayag ang paninindigan ng DOTr na isulong ang iba’t ibang repormang programa para sa mga pangkalsadang transportasyong pampubliko kabilang ang PTMP, sa kabila ng mga kinakaharap nitong mga hadlang at hamon sa implementasyon.
Ibinahagi rin niya na bagamat ang DOTr ang siyang nangungunang ahensya sa implementasyon ng PTMP, ang tagumpay nito ay nakasalalay sa pangkalahatang suporta ng mas malawak at kabuuan ng pamahalaan at lipunan. Ang DOTr ay patuloy sa pagsasaayos ng mga estratehiya at planong aksyon para maging mas epektibo ito at kapakipakinabang sa mga transport cooperatives, bilang kinikilalang entidad sa pampublikong transportasyon, ay bibigyan ng patas na oportunidad para sa patuloy at pag-kumpitensya nito sa pag-operate sa mga itatalagang mga ruta ng PUV kabilang ang makinabang sa mga suportang programa sa ilalim ng PTMP.
Pinagbigay-alam din ni OIC De Guzman na mayroon nang humigit 300 transport cooperatives sa bansa na kalahok sa PTMP at bagama’t mayroon na sa kanila ang dagliang nakatugon sa hinihinging mga pagbabago ng mga sistema at panuntunan sa kolektibong pamamaraan ng pagpapatakbo ng serbisyo sa ilalim ng Programa, kailangan pa rin ang patuloy na tulong at gabay upang mapanatili ang likas-kayang pag-unlad ng mga kooperatiba. Ang OTC ay handa at patuloy na bumabalangkas ng mga pagsasanay at mga aktibidades para sa sektor. Sa huli, iniwan ni OIC De Guzman ang katagang KOOPERATIBANG ANGAT ANG ANTAS, PARA SA BAGONG PILIPINAS!