


Sa nasabing pagdiriwang, binalikan ng mga kawani ng OTC ang panahon ng pagkakabuo nito, alinsunod sa ipinalabas na Executive Order No. 898 noong ika-28 ng Mayo 1983. Batay rito, ang dating Committee on Transport Cooperative (CTC) ay ginawa nang isang ganap na tanggapan at ahensya sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) na nakatuon sa pangangasiwa ng mga pangangailangan ng mga kooperatiba sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Sinimulan ng Ahensya ang programa sa isang misa at pagbabasbas sa pasilidad ng Tanggapan. Sa gitna ng pagdiriwang na ito ay kapwa naghatid ng espesyal na mensahe sina OTC Executive Director II at Officer-in-Charge Reymundo D.J. De Guzman, Jr. at DOTr Undersecretary on Road Transport and Infrastructure Jesus Ferdinand D. Ortega (dating OTC Chairperson) sa mga kawani nito upang hikayatin na ipagpatuloy ang kanilang panunungkulan sa paghahatid ng kalidad na serbisyo sa mga kooperatiba.
Ayon sa dalawang opisyal, kaakibat ng patuloy na pag-arangkada at paglago ng OTC ang pagharap sa mga makabagong hamon. Gayunpaman, nararapat lamang na manatiling matatag ang Ahensya at tingnan ang mga pagsubok na ito bilang daan patungo sa mas epektibong pagsisilbi sa bayan.
Naging bahagi rin sa espesyal na programa ang pagbibigay ng parangal ng katapatan at tuloy-tuloy na serbisyo ng mga kinilalang mga empleyado ng OTC na may mahabang taon ng panunungkulan. Binigyan din ng pagpupugay ng Ahensya ang mga retiradong empleyado nito na natapos ang mahabang pagganap sa kani-kanilang mga tungkulin noong katapusan ng buwan ng Mayo 2024.