๐๐๐๐๐๐๐: Nakipagpulong sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Jesus Ferdinand Ortega kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, kasama ang iba pang opisyal ng kagawaran at ilang ahensya sa ilalim nito.
Partikular na tinalakay ng mga opisyal sa naturang pagpupulong ang hakbang at inisyatiba na maaaring isagawa ng pamahalaan upang matiyak na walang tsuper at operator na maiiwan at lubos na maaapektuhan sa gitna ng pagpapatupad ng gobyerno sa Public Transport Modernization Program (PTMP). Kasunod ito ng pagtindig at deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magpapatuloy ang pagsulong sa programa sa kabila ng panawagan ng ilang mambabatas na isuspinde ito.
Sa katunayan, sa isang social media post, binigyang-diin ni Senate President Escudero na kasing halaga ng pagtahak sa daan tungo sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon ang pagsiguro na hindi maaapektuhan ang mga operator at tsuper na tanging sa pamamasada nakasalalay ang kabuhayan.
“We are all for organizing and modernizing the operations of our PUVs but we should also exert all efforts to include every driver and operator who have relied on jeepneys as their source of livelihood,” pahayag ni Senate President Escudero.
Photo courtesy: Joseph Vidal